Nasampahan na ng reklamo ng pulisya ang ilang kalalakihang sangkot sa madugong barilan kamakailan sa Cebu City kung saan tatlo ang patay.

Sa panayam ng Unang Balita kay Inspector Gomersendo Mandawe, hepe ng Cebu City Police Station 2, nitong Miyerkoles, kinalala ang nasampahan ng reklamong homicide na si Michael Bacaltos.

"Itong si Michael Bacaltos, sir, yung anak ni Edwin Bacaltos, yung namatay, nakasuhan na kahapon, nai-file na sa prosecutor's office for homicide," ani Mandawe.

Samantala, reklamong murder naman ang isinampa laban kay Vincent Navales at tatlo niyang kasamahan, ayon kay Mandawe.

Sumuko si Navales sa pulisya noong Lunes nang tanghali, ilang oras matapos ang insidente.

"Sa ngayon si Vincent Navales, dahil may tama sa paa, sir, nandoon pa sa pribadong ospital nagpagamot. Under hospital arrest. Yung case nai-file namin kay Navales at tatlo pa niyang kasama ay murder," sabi ni Mandawe.

Nangyari ang insidente sa Barangay Sambag Uno, Cebu City dakong 6 a.m. nitong ng Lunes. Dead on the spot si Vanzant Navales, kapatid ni Vincent, habang sa ospital naman idineklarang patay ang mag-amang ng mag-amang Edwin at Shaun Bacaltos.

Nagsimula ang gulo sa mainitang pakikipagtalo nina Vanzant Navales at Michael Bacaltos na dati umanong magkaibigan, ayon kay Mandawe.

Selos o negosyo ang mga tinitignang sanhi ng pagtatalo ng mga imbestigador. —KBK, GMA News