Bistado ang modus ng ilang tulak umano ng droga sa Bacoor, Cavite, na may paandar pang mala-drive thru na serbisyo sa kanilang mga parokyano.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinalakay ng mga pulis ang umano'y drug den sa Barangay Niog Uno.

Timbog sa operasyon ang target na si Isagani Ordoñes at mga kamag-anak niyang sina Jovani Ordoñes at Raquel Almahan.

Inaresto rin ang dalawang iba pa na kinilalang sina Jayaon Morados at Paulo Lontoc.

Nakuha sa kanila ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.

Dati na umanong nakulong si Isagani dahil sa pagkakasangkot sa droga.

Ayon sa imbestigasyon, nagbebenta ng droga ang mga suspek sa naturang bahay at tulad ng sistema sa mga fastfood chain, pwedeng mag-drive thru ang mga nagmamadaling customer.

May isang bintana umano na tinatapatan lang ng mga parokyano at mabilis na nakakabili ng droga.

Para naman sa mga gustong mag-"dine in," may "promo" rin daw ang mga suspek.

May isang kwartong pwedeng gamitin para sa pagbatak at libre pa raw ang mga drug paraphernalia.

Aminado ang mga suspek na gumagamit sila ng droga pero itinanggi nila ang akusasyong nagtutulak sila.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Dona Magsino/KBK, GMA News