Patay ang isang negosyante sa pamamaril sa North Cotabato nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa ulat ng "Unang Balita," kinilala ang biktima na si Kamarudin Totol, 50, at residente ng Sitio Egam Barangay Galakit sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao.

Pahayag ni Pikit Cotabato Police chief Inspector Mautin Pangandingan, habang nakatayo ang biktima sa harap ng kaniyang tindahan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pikit ay bigla na lamang siyang nilapitan ng dalawang hindi kilalang lalaki at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis na tumakas ang mga salarin lulan ng isang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pikit.

Naisugod pa sa Cruzado Medical Hospital sa Pikit ang biktima ngunit binawian din ito ng buhay. Nagtamo siya ng tama ng bala sa ulo, dibdib, at sa likod.

Personal na alitan ang tinitingnan ng mga pulis na motibo ng krimen, na patuloy pang iniimbestigahan. —LBG, GMA News