Patay ang isa umanong miyembro ng drug syndicate sa buy-bust operation sa bayan ng Balayan sa lalawigan ng Batangas, maaga nitong Huwebes.

Sa ulat ng "Unang Balita" kinilala ang suspek na si Lorenzo Vizconde, na umano'y nanlaban sa mga pulis sa drug bust operation sa Barangay Durungao, Balayan dakong 12:40 ng umaga.

Isinagawa ang operasyon mismo sa bahay ni Vizconde at ang kasama nitong babae na kinilalang si Manilyn Godez, 25-anyos, na residente ng San Jose, San Fernando, Pampanga.

Nang makatunog ang suspek na pulis ang kaniyang katransaksyon, agad umano nitong binaril ang undercover na pulis. Mabuti na lamang umano'y nailagan ng operatiba ang bala.

Gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasugat ng suspek.

Dinala agad sa Balayan Bayview Hospital and Medical Center si Vizconde pero idineklara ding dead on arrival.

Nakumpiska mula sa babaeng suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang coin purse.

At nang kapkapan sa ospital si Vizconde ay nakuha mula sa katawan niya ang isang pakete ng hinihinalang shabu at buy-bust money na P1,000 bill.

Ayon sa mga pulis, si Vizconde ay dalawang beses nang nakulong dahil sa droga at nakalaya lamang sa pamamagitan ng plea bargaining agreement. —LBG, GMA News