Tuluyang inaresto at ikinulong ang isang babaeng Iranian matapos niyang pasuin ng sigarilyo sa kamay at suntukin ang isang pulis sa loob ng presinto sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.

Batay sa imbestigasyon, unang dinala sa presinto ang 31-anyos na dayuhan dakong 3:00 am matapos ireklamo na nag-e-eskandalo sa barangay at umano'y lasing.

Habang nasa presinto para pakalmahin at maimbestigahan, lalo raw naging agresibo ang dayuhan at sinuntok, sinipa at pinaso ng sigarilyo sa kamay si Police Officer 2 Ferr Henrick Mangarin.

Hindi pa malinaw kung bakit pinayagan ang dayuhan na makapagsindi ng sigarilyo sa loob ng himpilan ng pulisya.

Ayon sa mga kamag-anak ng dayuhan, may dinadamdam ang Iranian dahil nagkahiwalay sila ng kaniyang nobyo.

Mayroon din umano itong bipolar disorder at hindi nakainom ng gamot kaya sinumpong at nagwala.

Nahaharap ang dayuhan sa reklamong "direct assault on a person in authority."

Nito lang nakaraang linggo, isang pulis ang sinabuyan ng taho ng isang babaeng Chinese habang nasa Metro Rail Transit-Boni Station.-- FRJ, GMA News