Nasawi ang isang turista matapos madulas at mahulog sa Matigol Falls na 100 metro ang taas sa Arakan, Cotabato.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, kinilala ang biktimang si Hercules Monreal, na nadulas sa nasabing talon nitong Linggo habang naliligo kasama ang mga kaibigan, ayon sa pulisya.

Nagawa pang isinugod sa ospital si Monreal ngunit dahil sa tindi ng sugat sa ulo at mga bali sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan ay idineklara siyang dead on arrival.

Nitong Disyembre lamang, isa ring tourist guide ang nasawi nang tangayin ng rumaragasang tubig sa talon. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News