Nahuli-cam sa CCTV ang pagtulak at pagbaril ng isang tulak umano ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Gulod Itaas sa Batangas City.

Sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, makikitang bilang itinulak ng suspek ang kausap niyang undercover cop sa gitna ng kanilang katransaksyon sa droga.

Nang mapahandusay sa kalsada ang pulis, bumunot ng baril ang suspek at dalawang ulit na pinaputukan ang awtoridad. Kasunod nito ay tumakas ang suspek kasama ang isa pa sakay ng motorsiklo.

Hinabol naman sila ng mga backup na operatiba at nang maabutan ay nagkaroon ng engkwentro na nagresulta  sa pagkakapatay sa mga suspek na nakilalang sina Francis Acija alyas Pangoy at John Bagon alyas Carlos.

Nakuha sa kanila ang isang super caliber .38 pistol, isang .38 revolver, at pitong pakete ng hinihinalang shabu na halos P50,000 ang halaga.

Mapalad namang nakaligtas sa insidente ang binaril na pulis dahil sa suot niyang bullet-proof vest tumama ang mga bala.

"Kitang-kita sa CCTV, binaril ang ating pulis. Buti na lang naka-vest. 'Yung mga remaining drug groups hahanapin kahit saan man sila naroroon. Walang puknat na operations ang ating ila-launch sa mga illegal drug groups," ayon kay P/Supt. Edwin Quilates, provincial director ng Batangas Police. --FRJ, GMA News