Nilunod at pinagnakawan ang isang empleyado ng Commission on Audit (COA) sa bayan ng Santa Cruz, Davao del Sur.

Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News Saksi nitong Lunes, natagpuang palutang-lutang sa Pilan River ang bangkay ng biktimang si Dioni Yangzon na miyembro ng LGBTQ community.

"Wala nang damit, nakabrief lang, tapos may sugat siya sa mata, sa bibig, dito may dugong lumalabas sa kanyang ulo. Kaya pinakuha ko tapos nakilala sa mga tao na si Dioni Yangzon kaya tinawagan ko ang kaniyang mga kaanak," ayon kay Kapitan Paulito Huerbana ng Barangay Zone 2.

Nahuli naman ng mga pulis ang dalawang lalaking suspek sa krimen sa tulong ng isang CCTV footage.

Ayon sa imbestigasyon, nakainuman ng biktima ang mga suspek na nasangkot na umano dati sa "petty crimes." Ang isa sa kanila, menor de edad pa.

Inamin nilang matapos mag-inuman, dinala nila si Yangzon sa sagingan at saka nilunod sa isang sapa. Kinuha rin umano nila ang mga alahas, at pera ng biktima.

Giit ng mga suspek, napatay nila ang biktima dahil sa sobrang kalasingan. — Dona Magsino/BAP, GMA News