Arestado ang isang ama at dalawa niyang anak dahil sa pagpatay umano sa isang 55-anyos na lalaki sa Manaoag, Pangasinan.

Ang lalaking biktima, hindi na umabot sa ospital nang buhay matapos pagtulungang bugbugin at pagsasaksakin ng mag-aama.

Ayon sa ulat ni Russel Simorio sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, lumabas sa imbestigasyon na mag-isa raw na naglalakad si Juvey Sigario sa isang kalsada sa Barangay Sta. Ines nang bigla siyang atakihin ng tatlong suspek.

Nagtamo ang biktima ng matitinding sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Naaresto sa follow-up operation ang mga suspek. Itinanggi nila ang mga paratang at iginiit na wala silang kinalaman sa pagkamatay ng biktima. Ayon naman sa pulisya, may dati na raw na alitan ang mga sangkot sa insidente.

Kakasuhan ng murder ang ama at isa niyang anak habang itu-turn over sa Department of Social Welfare ang isa pang anak na suspek na menor de edad. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News