Isang lalaki ang nalunod matapos na mag-dive sa isang talon sa Santa Maria, Ilocos Sur. Hinala ng mga residente, posibleng tumama ang ulo ng biktima sa mga bato sa ilalim ng tubig.


Sa ulat ni Ivy Hernando ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na Marvin Javillonar, 20-anyos, tubong Sta. Cruz. Nangyari naman ang trahediya sa Pinsal Falls sa Barangay Baballasioan.

"Ang alam ng mga kasama niya, nag-dive lang pero hindi yata nila nahintay na umahon, may katagalan din, du'n na sila humingi ng saklolo," sabi ni Victor Espiritu, isa sa mga tumulong sa biktima.

Pagkaahon kay Javillonar, agad siyang binigyan ng paunang lunas.

Tumulong din sa biktima ang ilang nurses sa lugar pero binawian din ng buhay kalaunan si Javillonar.

"Nu'ng pinump 'yung biktima, marami nang dugo ang lumabas sa ilong niya. Hindi na kasi katulad noon na malaki ang tubig, malaking posibilidad na kung tatalon sila, tatama agad sa mga bato [sa ilalim]," ayon pa kay Espiritu.

Madalas daw na may mga muntikang malunod sa nasabing talon sa kabila ng mga paalala, ayon sa mga may-ari ng cottage na tumatayo na ring rescuer.

Marami din umano ang nangangahas na mag-dive sa talon kahit pa ipinagbabawal ng mga residente at mga awtoridad.

"Nire-require namin na magrenta sila ng life vest para rin sa kaligtasan nila pero 'yung iba ayaw. Ang sinasabi nila magaling raw silang lumangoy. Pero mamaya, may magpapasaklolo na naman," sabi ni Ildefonso Corsino, residente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News