Arestado ang dalawang puganteng Amerikano sa Angeles, Pampanga na wanted umano dahil sa paggawa at pagpapakalat umano ng malalaswang video at larawan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing sinalakay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration at US Homeland Security ang inuupahang villa ng isang suspek na si Gary James Dokulil, sa bisa ng isang arrest warrant.

Nagkulong pa sa palikuran si Dokulil pero kalaunan ay sumuko rin.

Kilabot umanong recruiter at producer ng mga pornographic material sa Amerika ang suspek at lumipat dito sa bansa para maipagpatuloy ang kaniyang mga iligal na gawain.

Timbog naman sa hiwalay na operasyon sa Angeles ang isa pang US national na si Joel Aquino Pasay, na suspek din sa pagpapakalat ng child pornographic materials sa Amerika.

Parehong ipapa-deport ang dalawang suspek.

Nagbabala naman ang mga awtoridad laban sa masasamang loob na nagbabalak magtago sa Pilipinas.

"We want to send this message to all these predators that the Philippines is not a safe haven for them. The arms of justice will eventually reach them and they will be arrested and deported accordingly," ayon kay Bob Raquepo, hepe ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News