Patay ang isang batang babae na tatlong-taong-gulang matapos salpukin ng truck ang kanilang tindahan ng prutas sa gilid ng kalsada sa Alaminos City, Pangasinan. Ang kaniyang mga magulang, sugatan.

Sa ulat ni CJ Torida ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabi ng ama ng biktima na si Albert Quines na hindi na sila nakaiwas dahil biglang dumating ang truck.

"Bigla na lang 'yung truck paparating sa amin, ewan namin kung ano nangyari, nabangga kaming lahat. Yung anak ko nauna, naunang nasalpok yung anak ko. Ngayon 'yung truck na yun dapat managot," umiiyak sabi ni Quines.

Ayon sa saksi, pumailalim sa truck ang mag-asawa at kaagad namang nasawi ang bata.

Nasa kustodiya na ng Alaminos City police ang driver ng truck pero hindi siya nagbigay ng pahayag.

Hindi rin muna nagbigay ng pahayag ang pulisya habang patuloy ang imbestigasyon nila sa sanhi ng insidente.-- FRJ, GMA News