Binaril at napatay sa loob mismo ng Hall of Justice sa Danao City, Cebu ang isang pulis na katatapos lang dumalo sa isang kaso tungkol sa droga na siya ang testigo.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Senior Police Officer 2 Francis Allen Villamor.

Ayon sa pulisya, kagagaling lang ni Villamor sa pagdinig para sa isang drug case kung saan siya nagsilbing testigo.

Pero habang palabas ng korte, pinagbabaril siya ng limang salarin na nakasakay sa puting kotse.

Dalawa pa ang nasugatan sa naturang pamamaril na pawang dinala sa ospital.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa krimen at tinutugis ang mga salarin. --FRJ, GMA News