Isa ang patay at anim ang sugatan nang araruhin ng isang trak ang siyam na sasakyan sa Lipa City, Batangas nitong Sabado ng umaga.

Sa ulat ng Super Radyo dzBB, sinabi ng hepe ng Lipa City Police na si Police Lieutenant Colonel Ramon Balauag na nagyari ang insidente dakong alas-nuwebe ng umaga. 

Ayon kay Balauag, isa ang patay at anim ang nagtamo ng minor injuries sa insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, galing sa Lucena ang trak na minamaneho ni Dindo Organo.

Nawalan umano ito ng preno at iniwas ng driver ang trak sa mga tao at sa halip naarao nito ang siyam na sasakyan.

Naitakbo pa umano sa ospital ang mga sugatan ngunit hindi na umabot na buhay ang isang biktima.

Iniimbestigahan na si Organo at ang pahenante nito sa Lipa City Police Station ukol sa insidente. —LBG, GMA News