Isang Polish national ang natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang yate nitong hapon ng Sabado, March 23, sa Barangay New Colaylayan, Linapacan, Palawan.

Kinilala ng Linapacan Municipal Police Station ang biktima na si Goncz Zdzislaw, 60-taong gulang, kasalukuyang naninirahan sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa City.

Ayon sa pulisya, dumating ng Linapacan si Zdzislaw nitong March 17 bandang alas-2 ng hapon sakay ng kanyang yate at huling nakitang naglalakad-lakad sa loob ng kanyang yate nitong March 20.

At dahil tila hindi umano umaalis ang yate sa lugar, naghinala na si Barangay Captain Romeo Pacaldo kaya pinuntahan nila ang yacht kasama ang kanyang mga tanod, dito na na nila na diskobre ang walang buhay na katawan ni Zdzislaw.

Nakipag-ugnayan na sa Scene of Crime Office (SOCO) ang Linapacan Municipal Police Station para masuri ang crime scene at ang bangkay ng Polish national para na rin matukoy ang posibleng ikinamatay nito.

Nakikipag ugnayan na rin ang Linapacan Municipal Police Station sa Embassy of Poland sa Manila para sa sa posibleng pakikipag-ugnayan sa pamilya ng foreign national sa Poland. — DVM, GMA News