Inilibing na si Tessa Marie Ygay, ang 14-anyos na dalagitang tadtad ng saksak at ang kanyang bangkay ay natagpuang sa loob septic tank ng isang paaralan sa Danao City, Cebu kamakailan.

Ang suspek sa kaniyang pagkamatay, ipinirisenta na ng pulisya.

Inihimlay si Ygay sa old municipal cemetery sa Barangay Tabok, ayon sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles.

Bagamat hirap na tanggapin ang pangyayari, nagpasalamat na rin ang kaniyang pamilya dahil nahuli na ang suspek na si Jessie Mediquillo.

Iprinesenta si Mediquillo sa Police Regional Office 7 kasama ang mga abogado ng Public Attorney's Office.

"The suspect still manifested to continue in giving his testimony in relation to the crime he committed last April 5, 2019 inside the guard house and within the premises of the Cogon Cruz Integrated School," sabi ni Police Brigadier General Debold Sinas, Regional Director, PRO-7.

Ipinakita rin ng pulisya ang video ng re-enacment ng pagsaksak nang maraming beses kay Ygay sa loob ng guard house gamit ang kutsilyo, pati na rin ang paglalagay ng suspek sa kaniya sa septic tank.

Matapos ang pagpaslang, tumakas umano si Mediquillo papunta sa bayan ng Tabuelan kung saan siya nagtago sa kaniyang mga kamag-anak.

Nahuli rin siya kalaunan at mapayapang sumama sa mga pulis.

Pinagsisihan ng suspek ang kaniyang nagawa, pero itinanggi niyang may relasyon sila ng biktima.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng pulisya, nagselos si Mediquillo sa isang lalaking nanliligaw raw kay Ygay.

Walang nagawa ang suspek kundi magsisisi na lamang at humingi ng patawad sa pamilya ni Ygay, pero hindi pa rin nila matanggap ang kaniyang nagawa. —Jamil Santos/LBG, GMA News