Patay ang isang 28-anyos na babae matapos siyang tadtarin ng saksak ng dati niyang kasintahan na gustong makipagbalikan sa kaniya sa Sta. Cruz, Davao del Sur. Ang suspek, inaming nagawa ang krimen nang dahil sa selos.

Kinilala ang biktima na si Roann Jelyn Saplagio, na papasok sa kaniyang trabaho nang abangan ng dating kinakasamang si Ramil Eblacas, ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles.

Isinugod pa sa ospital si Saplagio pero hindi na umabot ng buhay.

"Flinag-down niya 'yung tricycle then pagbaba ng live in partner niya, nagkaroon sila ng argument, nag-away sila. From there, sinaksak na niya ang ka-live in niya," ayon kay Police Captain Mary Grace Martinez, Chief,  Sta. Cruz Police.

Natagpuan at nadakip naman ng pulisya kalaunan si Eblacas.

"Huling sinabi niya sa akin, tumawag siya sa akin na may lalaki siya. 'Yun ang sabi niya sa akin. Tinanong ko rin ang kasama niya sa trabaho na lalaki na kung may syota, kung gaano katotoo. Sabi niya, meron daw taga-Astorga," saad ng suspek.

Ngunit pinabulaanan ito ng ina ng biktima na si Anne Saplagio.

Ayon sa inang si Anne, ayaw makipagbalikan ng kaniyang anak hindi dahil sa may iba na itong karelasyon, kundi dahil nanggugulpi ang suspek.

"Pinapa-file sana ng kaso pero ayaw niya kasi naaawa siya sa ka-live in niya. Sabi ko, ikaw naaawa pero siya walang awa sa iyo," sabi ni Anne Saplagio, ina ng biktima.

"Nagsisi ako pero nawala lang ako sa sarili dahil sa galit," paamin pa ni Eblacas.

Nasa pangangalaga ng ina ng biktima ang tatlong anak ng biktima at suspek.

Mahaharap sa reklamong murder si Eblacas.—Jamil Santos/LDF, GMA News