Isang pulis ang nasawi matapos siyang barilin ng lalaking nakaalitan niya sa kalsada sa Marcos, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Police Corporal Wilbert Rarugal, 34-anyos. Naaresto naman isa sa dalawang suspek na si Jimmy Pablo, kapitan ng barangay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na sakay ng tricycle ang biktima kasama ang apat na iba pa nang makasagian niya ang motorsiklo na minamaneho ni Pablo.

"Bale um-overtake po itong motor ni Kapitan, then parang nasagi naman itong paa nitong sakay ng tricycle. Then dun na po sila nagkainitan. Naglabas ng baril which is nagresulta ng putukan sa lugar," ayon kay Police Captain Jonevale Maramag, hepe ng Marcos police.

Depensa naman ni Pablo, ang angkas niya na hindi niya kilala ang nagpasimula ng gulo.

Tinutukan daw siya ng baril ng nakiangkas sa kaniya para makisakay papunta sa patay sa Santiago.

Sa takot daw sa nangyaring barilan, pinaharurot na lang din niya ang motorsiklo.

Mahaharap sa kasong murder at frustrated murder si Pablo, habang patuloy na tinutugis ang angkas niya na kinilala lamang sa alyas na "Anggalog." -- FRJ, GMA News