Apat ang patay nang mag-amok at managa ang isang lalaki sa bayan ng Ilog sa Negros Occidental. Ang suspek na tatlong araw daw na hindi kumain, wala raw maalala sa kaniyang ginawang krimen nang madakip.


Ayon sa ulat sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabi ng mga awtoridad na unang tinaga ng suspek na si William Magbato ang kaniyang misis.

Matapos nito ay lumipat naman siya sa bahay ng kaniyang kapatid kung saan naman niya pinagtataga ang sariling pamangkin.

Hindi pa natapos ang karahasan ni Magbato dahil pumunta rin siya sa bahay ng isa pang kaanak at tinaga ang isang taong nadatnan niya roon.

Nadamay rin ang isang rumespondeng kagawad ng barangay na si Leonilo Balsomo.
Pinukpok umano ng suspek ng bakal si Balsomo saka pinagtataga hanggang sa mamatay.

Tatlong iba pa ang nagpapagaling sa ospital matapos masugatan sa pag-aamok ni Magbato.

Napigilan lang ang kaniyang pagwawala nang barilin sa braso ng mga rumespondeng sundalo.

Matapos mahimasmasan, iginiit ng suspek na hindi niya maalala ang kaniyang pananaga.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tatlong araw nang hindi kumakain ang suspek.

Mahaharap siya sa reklamong murder at frustrated murder.--Dona Magsino/FRJ, GMA News