Kahit tumatawid na sa pedestrian lane, nadisgrasya pa rin ang isang mag-ina sa Dumaguete City, Negros Oriental matapos silang masagasaan ng isang pick-up truck.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, makikita sa video na magkahawak ng kamay ang mag-ina sa pagtawid nang biglang sumulpot ang pulang pick-up na galing sa kalsada.

Nagulungan ng sasakyan ang mag-ina at namatay sa ospital ang babae. Malubha naman ang kalagayan ng bata niyang anak.

Ayon sa pulisya, nagkaayos ang pamilya ng mga biktima at ang driver ng sasakyan matapos na sagutin nito ang pagpapalibing sa ina at gastos ng bata sa ospital.-- FRJ, GMA News