Dinagsa ng aabot sa dalawang milyong turista ang bayan ng Lucban, Quezon para sa taunang Pahiyas Festival.

Muling ipinakita ng mga taga Lucban ang kanilang husay sa paglalagay ng mga pahiyas sa kanilang mga tahanan.

Photos by Peewee Bacuño

Ginagawa mga taga-Lucban ang Pahiyas Festival bilang pasasalamat sa masaganang ani at pagpaparangal kay San Isidro Labrador na patron ng mga magsasaka.

Ngayong taon ay mas maraming tahanan ang nakiisa sa paglalagay ng mga pahiyas.

Tampok ang mga makukulay na kiping o rice paper na ginawan ng iba’t ibang disenyo. Pinuno rin ng mga gulay, prutas at palay na pahiyas ang mga tahanan na patok na patok sa mga turista.

Kabi kabila ang mga nagse-selfie at nagpapapicture dahil sa ganda ng mga pahiyas.

Mayroon ding mga nagkakantahan at nagsasayawang turista na animoy nasa isang concert. May mga nagbebenta ng souvenir items at mga pagkain na kilala sa Quezon province.

Lalo pang tumingkad ang kulay at ganda Pahiyas sa pagsapit ng gabi. Nagbigay buhay ang makukulay na pailaw na talagang mapapa-wow ka sa ganda.

Nagkamit ng grand prize ang Pahiyas 2019 na ginaya ang imahe ng pamosong Kamay ni Hesus. Yari sa sili, labanos, kamatis at palay ang imahe na talagang pinaghirapang gawin upang makita ang bawat detalye.

Lahat ay manghang-mangha sa natatanging disenyo ng Pahiyas na iyon.

Hindi naman pinalampas ang ilang kabataan ang pagkakataon na ipakita ang kanilang pagtutol sa Kaliwa Dam na planong gawin sa Quezon.

Idinaan nila sa pagkanta ang panawagan ng pagtutol dito.

Tatagal hanggang ngayong Huwebes ang mga Pahiyas kung kaya aabot pa ang mga nais na makita ang ganda nito. —LBG, GMA News