Nasawi ang isang kalabaw matapos itong mabangga ng ambulansiyang may sakay na pasyenteng buntis sa Bacolod City. Ang naturang hayop, napag-alamang buntis din pala.

Sa ulat ng Balitanghali Weekend ng GMA News nitong Sabado, lumabas sa imbestigasyon na nag-overtake ang ambulansiya sa isang sasakyan at nagkataong may tumatawid na apat na kalabaw sa kalsada.

Dahil dito, nabangga ng ambulansiya ang isa sa mga kalabaw na ikinasawi nito.

Nayupi naman ang harapan ng ambulansiya, pero ligtas ang pasyenteng buntis at mga kaanak na sakay nito.

Inilipat na lamang ang buntis sa ibang ambulansiya para isugod sa ospital.

Tinutukoy ng mga awtoridad kung sino ang nagmamay-ari sa mga kalabaw. —Jamil Santos/KG, GMA News