Bangkay na nang matagpuan ang isang 21-anyos na babae sa kaniyang bahay sa Lipa City, Batangas, na sinaksak umano sa leeg at hinihinalang ginahasa pa dahil sa mga sugat na tinamo sa maselang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Fidex Maranan, graduating student ng kursong Legal Management ng De La Salle, Lipa.

Ayon kay Lipa City, Batangas Police Chief Colonel Ramon Balauag, halos tatlong araw nang patay ang biktima nang matagpuan sa kaniyang bahay sa Miracle Heights Subdivision.

Mag-isa lamang ang biktima sa kaniyang bahay at ulila na sa ama at ina. Pamangkin din aniya si Maranan ng dalawang pari sa nasabing lugar.

May mga palatandaan din na iniuntog ang ulo ng biktima, at may hematoma siya sa braso na senyales ng panlalaban sa suspek, ayon pa kay Col. Balauag.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis at may mga "persons of interest" na kaugnay ng pagpatay sa dalaga. —Jamil Santos/LBG, GMA News