Kritikal ang lagay ng isang 17-anyos na dalagita matapos masagasaan ng motorsiklong minamaneho ng isang foreigner na sakay ang pamilya nito sa Bacong, Negros Oriental nitong Biyernes.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali Weekend," makikita ang duguan at nakahandusay na dalagita sa national highway ng Barangay Sacsac.

Kinilala ang foreigner na si Marco Bannik, 43-anyos at mula sa The Netherlands. Angkas niya ang misis na Kyrgyzstan national at apat na taong gulang na anak.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulis na tumatawid sa kalsada ang dalagita nang mabangga siya ni Bannik.

Nagtungo rin sa ospital ang rider at kaniyang mag-ina na nagtamo ng mga galos.

Samantala sa Baao, Camarines Sur, nahuli-cam ang patong-patong na paglabag sa batas trapiko ng isang rider na bukod sa nag-counterflow, overloading pa dahil sa tatlo niyang angkas.

Walang traffic enforcer sa lugar kaya nakalusot ang mapanganib na pagmamaneho ng rider.

Sa Lumban, Laguna naman, kulungan ang bagsak ng isang lalaki na nabangga ang kaniyang kotse sa isang poste, matapos makuhanan ng mga baril at bala sa loob ng kaniyang sasakyan.

Kinilala ang suspek na si Reymond Baldemora na paunang naospital.

Sa kulungan din siya dumiretso at nakatakdang sampahan ng reklamong paglabag sa "Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act." —Jamil Santos/LBG, GMA News