Pinagtataga ng isang ginang sa Mindoro Occidental ang dalawa niyang paslit na anak hanggang sa mamatay noong Biyernes, ayon sa ulat ng GMA News.

Napugutan ng ulo ang 1-taong gulang na lalaki na si Butuan Juliata Cabudyok habang laslas naman ang ulo ng 8-anyos niyang ate na si Rafin Juliata Cabudyok.

Gamit ang itak, pinagtataga ni Dida Juliata Cabudyok, 30-anyos, ang mga paslit sa mismong bahay nila sa lib-lib na lugar ng Sitio Landing, Barangay Pinagturilan sa bayan ng Sta. Cruz, ayon sa municipal police.

Naaresto naman ng awtoridad si Cabudyok. Mahaharap siya sa dalawang kaso ng parricide.

Nagawa raw ni Cabudyok ang krimen dahil wala raw ito sa tamang pag-iisip, ayon sa pamilya ng mga biktima. —Joviland Rita/LBG, GMA News