Sugatan ang 17 sakay ng isang pampasaherong jeep nang salpukin ito ng pampasaherong bus na Eagle Star sa Diversion Road, Lopez, Quezon pasado alas-12 ng tanghali nitong Linggo.

Kabilang sa mga sugatan ang driver ng jeep. Sa lakas ng pagsalpok, bumaliktad patihaya ang jeep.

Photo courtesy: KB Net Lopez

 


Agad namang na-rescue ng mga residente at mga rescuer ang mga sugatan na isinugod sa isang pagamutan sa bayan din ng Lopez.

Ayon sa PNP Lopez, galing Visayas ang Eagle Star Bus at patungo sana sa Maynila nang masalpok nito sa Diversion Road ang pampasaherong jeep na galing sa Buenavista, Quezon. Matulin raw ang takbo ng bus kung kaya hindi na ito naka-preno sa intersection.

Wasak na wasak ang jeep at nagkabasag-basag naman ang windshield ng bus. Masuwerteng walang nasugatan o nasaktan sa mga sakay ng bus.

Agad namang sumuko sa himpilan ng pulis ang driver ng bus na kinilalang si Eduardo Boyano na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injury and damage to property.

Ang mga pasahero ng jeep ay nagtamo ng bone fracture at mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan. —LBG/KG, GMA News