Hinihinalang na-food poison ang hindi bababa sa 300 katao na dumalo sa pagtitipon ng isang simbahan sa Impasugong, Bukidnon.



Sa ulat ni RGil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at labis na pagdurumi ang mga biktima.

Kaagad naman umanong rumesponde ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga rescue vehicle o ambulansiya para madala sa ospital ang mga biktima.

Kabilang sa mga naospital ang asawa ni Yvette Felipe na galing pa umano Nueva Ecija. Maging si Felipe, nagkasakit din.

"Sumakit yung tiyan ko, [ang] sakit-sakit. Tapos nag-cr ako, nung nag-cr na 'ko, talagang ano siya watery. Then after 35 minutes, ayun na naman," kuwento niya.

Monggo at salad daw ang inihanda sa almusal, habang menudo naman ang kinain sa pananghalian ng mga delegado.

Iginiit naman ng chief cook na si Rowena Andres, malinis ang kanilang pagkakahanda sa mga pagkain.

Ayon kay Felipe, nalaman nila na nagpakuha ng dumi sa poso-negro sa lugar.

"Nag-sip sila ng poso negro.  Ngayon nung nag-sip sila itinapon lang daw diyan...I don't know kung saang part kaya nagkaroon ng madaming flies," kuwento niya.

Sabi naman ni Andres, "Nalaman ko yung morning pala ng Tuesday six o clock in the mornin, nag-ano na pala sila sa septic tank, nagkuha na sila ng dumi. Tapos na nag-ano na sila ng chemical."

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung water or food borne ang sanhi ng hinihinalang food poisoning sa mga biktima.-- FRJ, GMA News