Arestado ang isang lalaki sa General Trias, Cavite matapos umanong patayin ang kaibigan niyang naka-jackpot sa e-lotto gamit ang bareta de cabra.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, sa isang gaming station nahuli ang matagal nang nagtatagong suspek na si Jessie Barbuco.

Nangyari umano ang krimen isang araw matapos manalo ng P30,000 ang biktima.

"'Yung victim niya is 'yung kaibigan niya mismo. Tumama ng e-lotto, nagka-interes ngayon siya doon sa malaking pera. He killed itong kaibigan niya using bareta de cabra," paliwanag ni P/Col. Lawrence Cajipe, regional chief ng Calabarzon Criminal Investigation and Detection Group.

Itinanggi naman ni Barbuco ang alegasyon at sinabing wala siyang kinalaman sa pagkamatay ng kaibigan.

Gayunman, malakas ang pahayag ng isang testigo laban sa suspek, ayon sa mga awtoridad. -- Dona Magsino/FRJ, GMA News