Halos hindi na raw makilala ang isang lalaking college student na natagpuang patay sa Cagayan de Oro City.

Ayon sa ulat ng GMA RTV One Mindanao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sunog ang ilang bahagi ng katawan ng biktima na kinilala bilang si Marjune Mejos.

Natagpuan ang kanyang labi sa ilalim ng puno sa isang bakanteng lote sa Sitio Kamakawan, Barangay Indahag.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen at hinahanap na rin ang salarin.

Ayon sa mga awtoridad, posible raw na pinaghahampas ang biktima gamit ang matigas na bagay dahil sa mga sugat nito sa ulo.

"Nakatihaya na ang biktima, may gaping wound siya sa left eyebrow. Gaping means struck by a hard object, pointed object," sabi ni Police Lt. Fuljean Ragmac, imbestigador ng SOCO.

May nireport din daw sa pulis na sunog na motorsiklo malapit sa lugar.

"Meron kaming sunog na motorsiklo malapit dito, pero noong medyo maliwanag na, may NBI report naman sa atin na may isang bangkay na natagpuan," sabi ni Police Captain Rustico Galagala, station commander ng PS2 Cogon. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News