Patay ang isang barangay treasurer sa Calasiao, Pangasinan matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Ayon sa ulat ng Jasmien Gabrie- Galban ng RTV-Balitang Amianan sa "Balitang Pilipinas Ngayon" nitong Martes,  kinilala ang biktima na si Lauro Parejas, barangay treasurer ng Barangay Bued.

Nag-aalmusal daw si Parejas kasama ang kaniyang kapitbahay nang bigla siyang pagbabarilin sa ulo ng hindi pa nakikilang salarin.

Kahit nakahandusay na, pinaputukan pa raw muli sa ulo ang biktima.

Batay sa nakalap na impormasyon ng pulisya, nakatanggap daw ng death threat ang biktima bago ito pinaslang.

"Base sa ating inisyal na imbestigasyon at pagtatanong sa area, prior the incident nga may na-receive na pagbabanta ang ating biktima at 'yon ang sinundan natin para sa imbestigasyon," sabi ni Police Lt. Col. Franklin Ortiz, hepe ng Calasiao Police Station.

Nasabi naman ng punong barangay na si Carlito Dion sa isang panayam na wala siyang alam na nakaaway ni Parejas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman kung sino ang nasa likod at motibo sa krimen.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News