Patay ang mag-live in partner sa Pangasinan matapos silang harangin ng isang sasakyan at pagbabarilin habang sakay ng kanilang motosiklo sa San Fabian, Pangasinan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Patrocenio Malicdem at Solna Parlan ng Barangay Anonang.

Ayon sa pulisya, nakasakay sa motorsiklo ang dalawa at inunahan ng isang sasakyan pagsapit sa pakurbang bahagi ng provincial road ng Batangay Angio.

"Biglang nag-overtake itong four wheels ng alleged suspek natin. Tapos biglang bumaba sa kaniyang sasakyan 'yong gunman at pinagbabaril itong maglive-in partner,“ sabi ng hepe ng San Fabian Police na si Captain Fernando Abacco Jr.

Tinamaan ng bala sa ulo at likuran si  Malicdem, habang dalawang tama naman ng bala sa ulo ang tinamo ni Parlan.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang salarin.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima. Pero ayon sa kanila, wala naman daw silang alam na kaaway ni Malicdem na dating nagsilbing barangay kagawad sa kanilang lugar.

Si Parlan, dati namang inhinyero.

"Although may mga information na rin tayong nakalap, yun ang tinututukan natin ngayon, para makuha talaga ang motibo ng pagpatay," sabi ni Abacco, na patuloy ang imbestigasyon sa krimen.--Joviland Rita/FRJ, GMA News