Nasawi ang anim na katao sa magkakahiwalay na mga aksidente sa kalsada, kabilang ang isang mag-asawang pumailalim sa truck matapos itong makabanggaan ng sinasakyan nilang tricycle sa Ilocos Norte.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na sina Esteban at Julieta Malabo na naaksidente sa Pagudpud.

Lumabas sa imbestigasyon na umagaw ng linya ang sinasakyan nilang tricycle sa pakurbadang bahagi ng kalye, kaya nakasalpukan nito ang isang parating na truck.

Pumailalim sa truck ang mag-asawa dahil sa lakas ng impact.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck.

Sa bayan ng San Nicolas sa naturang probinsiya, patay din ang isang rider ng motorsiklo nang mabangga ang isang lalaking tumatawid sa kalsada.

Pareho silang tumilapon sa lakas ng impact.

Kinilala ang rider na si Rommel Lumabago, na hindi naka-helmet at nagtamo ng matitinding sugat.

Sugatan naman ang tumatawid na si Genaro Batangan.

Itinakbo sa pinakamalapit na ospital ang driver pero dineklara siyang dead on arrival, ayon kay Patrolman Sonny Cuaresma, traffic investigator.

Patay din ang magkapatid na sakay ng motorsiklo sa Ramon, Isabela nang makabanggaan ang isang kotseng minamaneho ng LTO employee.

Kinilala ang mga biktima na sina Walter at Kyle Mae Nicolas.

Sumuko sa mga awtoridad ang driver ng kotse na si Wilson Peralta.

Sa Isulan, Sultan Kudarat naman, nagkasalpukan ang isang elf truck at wing van naman, kung saan patay ang isa sa mga sakay ng truck na ma-trap sa loob.

Lumabas sa imbestigasyon na pumunta sa lane ng elf truck ang wing van na naging sanhi para magkabangaan sila.

Nasunog ang harapan ng wing van samantalang natapon at kumalat sa kalsada ang mga karga nitong delivery ng isang mall mula sa Koronadal City. —Jamil Santos/NB, GMA News