Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang ginang matapos siyang mabundol ng isang kotse sa Labrador, Pangasinan. Ang biktima, bumili lang daw ng asukal sa tindahan na gagamitin sa paninda niyang kakanin.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV- Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Norie Medina, na napuruhan sa tinamong sugat sa ulo.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktima nang bigla siyang salpukin ng kotse na unang tumama sa nakaparadang sasakyan at nawalan ng kontrol, hanggang sa nahagip si Medina.

Sa lakas ng pagkakabangga,  tumilapon ang biktima.

Isinugod sa ospital ang duguang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Naulila ni Medina ang asawa at anim nilang anak.

Pumayag naman umano ang pamilya ng biktima na makipag-areglo sa driver ng kotse.-- FRJ, GMA News