Patay ang isang ina sa Talisay City, Cebu nang barilin sa ulo habang natutulog sa loob ng kanilang kuwarto, kasama ang kaniyang dalawang paslit.

Batay sa ulat ng GMA News-Balitang Bisdak, kinilala sa Unang Balita ang biktima na si Lindy Campus-Braga.

Sa inisyal na ulat ng Talisay City Police, binaril si Braga habang natutulog sa kanilang bahay kasama ang kanyang 3-anyos at isang taong gulang na mga paslit.

Ayon kay Police Staff Sergeant Glenn Besande, imbestigador mula sa Talisay Police, pinasok ng hindi pa nakikilalang salarin ang kuwarto ni Braga at binaril ang biktima sa ulo habang natutulog, katabi ang kaniyang mga anak.

Ang 3-anyos na anak ni Braga pa umano ang nagsumbong sa mga kapitbahay sa nangyari sa kaniyang ina, ayon kay Besande.

Ayon sa mga kapitbahay, may narinig silang isang putok ng baril.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, nasa kulungan ang asawa ni Braga na nahuli dahil sa droga noong nakaraang Marso.

Nasa kustodiya na ngayon ng City Social Welfare and Development Office ng Talisay City ang dawang paslit na anak ni Braga.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News