Natagpuang nakasilid sa sako na nakalagay sa isang bodega ang bangkay ng isang nawawalang dalaga sa Muntinlupa City, ayon sa mga pulis nitong Linggo.

Sa ulat ng GMA News, kinilala ang biktima na si Sheva Adare Mae Prementil, 22, at nagtrabaho bilang assistant supervisor sa isang supermarket.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Muntinlupa City Police, nangungupahan si Sheva sa Brangay Cupang, at ayon sa kaibigan at kasama sa bahay ng biktima, nalaman nilang nawawala si Sheva umaga noong Sabado.

Pahayag sa mga pulis ni Gina (di tunay na pangalan), kaibingan at kasama ng biktima, na nang maglinis siya ng bahay nakakita siya ang mga bakas ng dugo sa unan ni at kutson ng kaibingan.

Agad umanong nagpunta si Gina sa kapitbahay at ipinakita ang duguang gamit ni Sheva. Napansin umano niya si Alexander Morpuz, kakilalang may access din sa bahay, na tila naging kakaiba ang kilos.

Ayon kay Gina, agad umanong nilabhan ni Morpuz ang mga duguang kumot at sapin sa higaan ni Sheva.

Nang tanungin umano ni Gina si  Morpuz kung bakit niya nilabhan ang kumot at sapin, sagot umano nito, "Bakit magpapapulis ka na agad wala pa namang 24 oras na nawawala, baka andiyan lang yun baka bumalik yun."

Nakitaan din umano ng mga kalmot sa ilang bahagi ng katawan ni Morpuz.

Pahayag ng pulis, kinausap umano ni Gina ang ama ni Morpuz at sinabihan daw siya nito na subukang magpunta sa bodegang tinutuluyan ng anak na si Alexander.

At doon na nga sa bodega natagpuan ang bangkay ni Sheva na nakasilid sa sako.

Itinuring nang suspek si Alexander ng mga awtoridad.

Ayon kay Major Elmer gutierrez,  commander na Alabang Police Community Precinct,  "Parang ano 'to eh ... obsessed itong lalaki sa victim. Kasi according sa witness natin eh masugid na manliligaw itong suspek sa victim. Kaso lang hindi binibigyan ng attention ang suspek dahil ang victim ay may boyfriend na.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, may hiwa sa tiyan at sugat sa ulo si Sheva at natanggal din ang isa sa mga daliri nito.

Samantala, makikita sa CCTV footage ng barangay ang isang taong may hila-hilang tila isang sako madaling araw ng Sabado, at sinabi ni Gina na mapapatunayan niyang si Alexander ang taong nasa video.

Tinutugis na ngayon ng mga pulis si Morpuz na bilang nawala sa mismong araw na natagpuan ang bangkay ng biktima. —LBG, GMA News