Hinangaan ang isang taxi driver matapos niyang isauli ang wallet na naglalaman ng mahigit $3,000 na cash, credit cards, I.D., at passport na naiwan ng kaniyang pasahero sa Naga City, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang taxi driver na si Manuel Briones.

Sinabi ng may-ari na nadiskubre niyang naiwan niya ang wallet sa taxi ni Briones, kaya hinanap nila ang sasakyan at natunton nila ito sa isang mall.

Hindi raw alam ni Briones na may naiwang wallet sa kaniyang sasakyan, pero kung sakaling makita niya ang may-ari ay hindi siya magdadalawang isip na ibalik ito.

Malaki ang pasalamat ng pasahero dahil naisauli sa kaniya ang kaniyang wallet. —Jamil Santos/LBG, GMA News