Naaagnas na ang bangkay ng mag-asawa at kapwa retiradong guro nang makita sa loob ng kanilang bahay sa San Jose, Camarines Sur. Hinala ng mga awtoridad, baka kilala ng mga biktima ang salarin.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang mag-asawa na sina Aly at Nelly Balcueva.

Ayon sa pulisya, laslas ang leeg ni Aly habang tila pinalo ng matigas na bagay sa mukha si Nelly.

Nadiskubre ang bangkay ng mag-asawa nang sadyain ito ng kanilang kasambahay dahil hindi sila lumalabas ng bahay.

Nagkalat umano ang mga gamit sa loob ng bahay ng mag-asawa pero wala raw nawawalang gamit.

Pagnanakaw ang isa sa mga motibo na tinitingnan ng mga imbestigasyon sa krimen. Inaalam din kung may kinalaman sa krimen ang negosyong pagpapautang ng mag-asawa.

Ayon sa pulisya, may hawak na silang testigo at may person of interest na sila sa krimen --FRJ, GMA News