Isang 18-anyos na babae na dumalo lang sa birthday party ang hindi na nakauwi nang buhay matapos na matagpuan ang kaniyang bangkay na walang saplot pang-ibaba sa isang bakanteng lote sa Dagupan City, Pangasinan. Ang ama biktima, nakausap pa raw sa cellphone ang salarin.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Bernadette Saplan. Nakita ang kaniyang bangkay sa bakanteng lote ng isang subdivision.

Ayon sa ama ng biktima, nakausap pa niya ang anak bago mangyari ang krimen, at nang muli itong tawagan ay lalaki na ang sumagot.

"Pauwi na siya nu'ng time na 'yon, galing siya nu'ng birthday. Doon sa may tapat ng Burgos, nag-dial ako ulit ngayon 'yung sumagot 'yong lalaki," sabi ni Bernard Saplan, ama ng biktima.

Sinabi naman ng isang residente na may nadinig siyang babae na humingi ng tulong na inakala niyang away lang ng magkasintahan.

"Sumigaw siya nang malakas ng tulong. Tapos lumabas ako, akala ko parang kidnap, parang away mag-syota lang ganu'n," paliwanag niya.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng ginahasa bago pinatay ang biktima.

Mayroon na rin daw silang person of interest na dati nang naaresto kaugnay sa kasong pagnanakaw at sexual assault.

May street light naman sa pinangyarihan ng krimen pero walang nagbabantay o umiikot na security guard sa subdibisyon.

Kaya naman ipinayo ng pulisya na dapat paigtingin ng subdibisyon ang seguridad sa kanilang lugar para hindi na maulit ang krimen.

Paliwanag naman ng pamunuan ng subdibisyon, kulang ang pondo nila para magbayad sa security guard dahil maraming homeowners ang hindi nagbabayad ng kanilang ang monthly dues.

Tutugunan daw nila ang usapin sa seguridad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa barangay at mga pulis.--FRJ, GMA News