Agad na nasawi ang isang 17-anyos na babae sa Midsayap, Cotabato matapos siyang palakulin sa mukha at ulo ng kaniyang sariling ama na nagdilim daw ang paningin.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jeanny Mae Socito, na pinatay sa kaniyang kuwarto sa Barangay Upper Glad 1, Midsayap, Cotabato.

Ayon sa pulisya, bukod sa tama ng palakol ay sinaksak pa umano ng suspek sa tiyan ang biktima.

Naaresto na ang suspek at nakakulong sa Midsayap police station.

Idinahilan umano ng ama sa mga pulis na nagdilim ang kaniyang paningin dahil lagi raw siyang sinasagot ng kaniyang biktima at gabi na kung umuwi mula sa paaralan.

Hindi naman makausap ang stepmom ng biktima.--FRJ, GMA News