Patay ang isang ginang sa Bulacan nang pagbabarilin sila ng kaniyang mister habang sakay ng SUV. Ang mga salarin, sakay naman ng motorsiklo.



Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing ginang na si Elenita Lanugan, na siyang nagmamaneho ng SUV.

Sa kuha ito ng CCTV sa Barangay Panginay sa Guiguinto, Bulacan, makikita ang mga biktima na sakay ng isang puting SUV.

Kita rin sa CCTV ang mga salarin na nakamotorsiklo at sumasabay sa sasakyan ng mga biktima. Maya-maya lang, inunahan ng mga salarin ang sasakyan ng mga biktima at nagpaputok na ang backrider.

Kaagad na tumakas ang mga salarin habang napahinto naman ang SUV dahil tinamaan na pala ng bala sa mukha ang si Lanugan.

Kaagad siyang dinala sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Ayon sa mister, inakala raw niya noong una na nawalan lang ng malay ang kaniyang misis.

Patungo raw sana ang mag-asawa sa paaralan para sunduin ang kanilang mga anak.

Ang kaibigan ng mga biktima, hinihinalang napagkamalan lang ang mag-asawa.

"Sa tingin ko napagkmalan lang. Walang mga kagalit 'yan eh walang kaaway, walang kagalit ang mag-asawa na 'yan," sabi ni Shierly Mondejar, kaibigan ng mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.--FRJ, GMA News