Nalapnos ang balat ng tatlong taong gulang na bata sa Bacolod City nang matumba siya sa kumukulong tubig, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes.

Ayon sa kanyang ama na si Nonoy Alabado, nagpaikot-ikot ang paslit na si Third habang naglalaro sa loob ng kanilang bahay hanggang sa mahilo siya. Dahil dito, natumba siya at bumagsak sa kalderong may kumukulong tubig.

"Naglalaro 'yung bata. Eh nagpapainit kami ng tubig para makapagtimpla ng gatas. Natumba papunta sa kaldero. Tumama 'yung puwet nun sa kaniya. Agad naman naming tinanggal pero napaso pa rin siya," sabi ni Alabado.

Nalapnos ang ilang parte ng katawan ni Third.

Ayon pa kay Alabado, maliit daw ang kanilang tirahan kaya ang kanilang sala, bukod sa nagiging palaruan ng kaniyang mga anak, dito na rin sila natutulog at nagluluto.

Dahil maliit lang ang kinikita ni Nonoy sa pangangalakal, nananawagan sila ng tulong para mapagamot ang bata.

Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaring makipag-ugnayan sa numerong 09108559847. —Joviland Rita/LBG, GMA News