Hirap pa rin ang mga awtoridad na matukoy ang mga taong sangkot sa pagpatay sa dating alkalde ng Medellin, Cebu na si Ricardo Ramirez, na pinasok sa ospital kung saan siya naka-hospital arrest.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing bukod sa walang CCTV sa ospital, naka-bonnet at gloves din umano ang mga salarin kaya walang naiwang fingerprint.

Personal na galit, negosyo at pagkakasangkot sa iligal na droga naman ang tatlong anggulo na tinitingnan ng mga imbestigador bilang motibo sa mapangahas na krimen.

Matatandaan na nasa 15 armadong lalaki ang sumalakay sa ospital kung saan nakaratay si Ramirez at doon siya pinagbabaril.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Eloveo Marquez, Cebu Police Provincial Office Chief Investigator at PIO Chief, kumpirmado umanong drug user ang dating alkalde.

Inaresto at kinasuhan ang dating alkalde noong 2017 dahil umano sa iligal na pag-iingat ng mga baril. Bukod sa mga baril, may nakita rin umanong drug paraphernalia sa bahay ng dating local official.

Sa ospital kung saan siya pinaslang, sinabi ni Marquez na may nakita rin umanong improvised tooter sa kanyang kuwarto.

Aminado ang pulisya na nakababahala ang paraan ng pagpaslang sa dating alkalde.

Naglagay na umano sila ng chokepoints para maharang ang mga salarin, habang patuloy ang kanilang manhunt operations.-- FRJ, GMA News