Isang German national ang nasawi matapos siyang saksakin sa dibdib ng kinakasama niyang Pinay sa Siaton, Negros Oriental.



Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing kusang-loob na sumuko sa pulisya ang suspek nang malaman niyang napatay niya ang dayuhan.

Kuwento ng suspek, plano raw ng dayuhan na iwan na siya para sumama sa ibang babae.

Pero ang ikinagalit daw niya ay ang plano umano ng biktima na dalhin ang motorsiklong ibinigay nito sa kaniya.

Dito na raw sila nagkaroon ng pagtatalo ng biktima, na inilarawan niyang babae at sadista, na nauwi sa pananaksak.

Nagtamo ng mga saksak sa dibdib ang dayuhan at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong homicide.-- FRJ, GMA News