Tatlong sakay ng ambulansiya ang nasawi, habang sugatan ang dalawang iba pa matapos silang bumangga sa kasalubong na truck sa San Juan, La Union.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente kaninang madaling araw sa pakurbang bahagi ng MacArthur Highway sa San Juan.

Ayon sa mga pulis, galing sa Pangasinan at biyaheng norte ang truck pero nang bigla umanong sumulpot ang ambulansiya sa kanilang linya at bumangga.

Nang maganap ang salpukan, hindi umano tumutunog ang sirena ng ambulansiya.

Kabilang sa sagutan ang driver nito at isang menor de edad.

Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck na si Sebastian Torretio, iginiit na alalay lang at hindi mabilis ang kanilang takbo sa kurbada.

Samantala sa M'lang, Cotabato, tatlong sakay ng motorsiklo ang nasawi nang mabangga sila ng isang humaharurot na van.

Tumakas ang driver ng van na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang pagpapakilanlan.--FRJ, GMA News