Isang batang babae sa Bukidnon ang nasawi matapos umanong halayin ng kaniyang tiyuhin na pinakiusapan lang na doon muna sa kaniya matulog ang bata dahil nag-aaway ang mga magulang ng biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, lumabas sa imbestigasyon ng Valencia City Police, na dinala sa bahay ng suspek ang biktima para doon matulog noong Linggo dahil nag-aaway ang kaniyang mga magulang.

Kinabukasan, sinundo ng ama ang kaniyang anak pero nakita niyang tila natutulog ito at nakabalot sa kumot.

Dahil nag-alala sa kalagayan ng anak, dinala niya sa ospital ang bata at sumama pa ang suspek.

Pero hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang bata.

Sa medical report, lumabas na ang sugat na dulot ng panghahalay ang ikinamatay ng bata.

Kaagad namang tumakas ang suspek pero kaagad ding naaresto ng mga awtoridad.-- FRJ, GMA News