Patay na nang matagpuan ng kaniyang mga kaanak ang isang limang-taong-gulang na babae sa Calumpit, Bulacan. Ang biktima, hinalay umano ng sariling tiyuhin, na umamin sa pulisya na gumamit siya ng solvent nang gawin ang karumal-dumal na krimen.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ashley Nicole Silva, ng barangay San Miguel sa Calumpit, Bulacan.

Naaresto naman ang suspek na si Marvin Mengulio, 23-anyos, na sumama pa raw sa paghahanap sa bata.

Wala nang saplot ang bata nang makitang lumulutang sa ilog.

Kuwento ng pamilya ng bata, nag-alala sila nang hindi nila mahagilap ang biktima pagkagising nila.

Naghinala raw ang tiyahin ng biktima nang ituro mismo ng suspek ang suot na pajama ni Ashley nang matulog.

"Nung pumunta po kami sa may ilog agad po niyang nakita yung pajama at tinanong niya po sa 'kin kung kay Ashley daw po yung pajamang yun. Naghinala na po kami," ayon sa tiyahin ng biktima na si Melva Silva.

Nang dalhin sa presinto si Mengulio, umamin na umano ito sa ginawang krimen.

Sinabi rin umano ng suspek na kagagamit lang niya ng solvent nang dalhin niya sa tabing-ilog ang natutulog noon na biktima.

Napag-alaman din na hindi iyon ang unang pagkakataon na inabuso ng suspek ang bata.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gerardo Andaya, hepe ng Calumpit police, dati nang inireklamo ng pangmomolestiya ang suspek pero hindi itinuloy ng pamilya ang reklamo.

Humingi naman ng patawad si Mengulio sa pamilya ng biktima sa kaniyang nagawa.

Nitong Miyerkoles, iniulat na isang limang-taong-gulang na babae rin ang nasawi matapos pagsamantalahan ng kaniyang tiyuhin sa Valencia, Bukidnon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nakitulog lang ang biktima sa bahay ng suspek dahil nag-aaway ang kaniyang mga magulang.-- FRJ, GMA News