Nasawi ang isang radio anchor sa Kidapawan City habang sakay ng kaniyang kotse matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na pauwi ang biktimang si Eduardo "Ed" Dizon, anchor ng Brigada News FM, nang harangin siya ng mga salarin at saka pinagbabaril.

Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang krimen.

Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines ang nangyari.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente.

Sa President Roxas sa Cotabato naman, nasawi si Oferiano Udani Miguela, matapos siyang barilin sa tapat mismo ng kaniyang tirahan.

Ayon sa pulisya nag-aalaga ng manok si Miguela nang lapitan ng dalawang naka-bonnet na salarin at pagbabarilin.

Away sa lupa ang tinitingnang motibo sa krimen.-- FRJ, GMA News