Hirap man sa paglalakad, pinilit pa rin ng 16-anyos na dalagita na makapagsumbong sa Los Baños Police Station sa umano’y pangre-rape sa kanya ng isang security guard na kumupkop sa kanya.

Kasama ang kanyang tiyahin, idinulog nila ang ilang beses umanong panghahalay sa dalagita ng guwardiyang suspek na kinilalang si Robert Tilan.

Pahayag ng biktima, noong 15-anyos pa lamang umano siya, biktima na siya ng pananakit ng kanyang pinsan.

Kaya umalis siya kasama ang kanyang tiyahin na itinuring na rin niyang nanay.

"Noong time na dumating siya doon, siyempre bata siya mas may edad 'yung lalaki. Panatag ang kalooban niya na kupkupin siya," pahayag naman ng tiyahin.

Pero ang hindi nila alam, mas bangungot pala ang dadanasin ng dalagita kaysa sa inalisan nila.

Kuwento ng biktima, sa tuwing aatakihin siya ng sakit na epilepsy, wala siyang kalaban-laban na pinagsasamantalahan ni Tilan.

"Hindi ko alam kasi inaatake ako nun. Wala akong malay na ginagamit niya ako,” ayon sa biktima.

Nang tanungin kung paano niya nalalaman, sinabi ng biktima: "Kasi ‘pag gising ko wala na akong saklob sa katawan, lahat eh."

Tinatakot umano ng suspek ang biktima kaya hindi siya nagsumbong sa tiyahin.

"Huwag daw po ako magsumbong. Sabi niya sa akin ‘kapag di ka pumayag papatayin ko nanay mo', tapos papatayin niya rin ako," ayon sa biktima.

Kalaunan, nagpasya silang lumayas sa poder ng guwardiya.

"Hindi naman alam ng bata na ano... So ang ginawa ko pina-guide ko doon sa hipag ko sa DSWD, dinala niya doon saka lang nalaman na buntis," pahayag ng tiyahin.

"Yung kaso niya is for regular filing kasi nangyari yun December 2018 pa. So regular filing siya. Kinuha ko siya ng statement tapos sasamahan ko siya para maisampa ito sa regional trial court," pahayang naman ni Maria Evet Lazo ng women’s desk ng Los Baños Police. —LBG, GMA News