Inirereklamo ng mga residente sa apat na barangay sa Victoria, Laguna ang isang manukan sa kanilang lugar dahil sa ito raw ang pinagmumulan ng sandamakmak na langaw na namemeste sa kanilang lugar.

Sa ulat ng Unang Balita, sinabi ng mga residente na kasalo nila sa pagkain ang sobrang dami ng mga langaw.

Ilang mga residente rin umano ang kumakain sa ilalim na kulambo dahil sa pesteng mga langaw.

Nagkaroon na ng surprise inspection ang mga tauhan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Laguna sa inirereklamong manukan, at pinag-aralan na kung ano ang gagawin nila sa problema ng langaw sa lugar.

Wala pang pahayag ang pamunuan ng manukan. —LBG, GMA News