Ilang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagalusan matapos sumabog ang granada na inihagis sa kanila ng mga pekeng ahente umano ng  Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA ) sa Antipolo, Rizal.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing dakong 8:00 p.m. nitong Miyerkules nang magtungo ang mga operatiba ng NBI sa isang subdibisyon sa Antipolo para isilbi ang search warrant sa laban sa tatlong suspek na nagpapanggap umanong mga PDEA agent para makapang-hulidap

Nang marating ng mga awtoridad ang pakay na bahay, bigla umanong nagpaputok ng baril ang mga suspek at naghagis ng granada.

Mabilis naman umanong nakaiwas ang mga operatiba ng NBI pero ilan sa kanila ang nagalusan dahil sa shrapnel.

Nagkaroon umano ng standoff na tumagal ng hanggang 30 minuto dahil hindi magawa ng mga operatiba ng NBI na lusubin ang bahay dahil may mga sibilyan na maaaring mapahamak.

Nang matapos ang tensyon, natuklasang nakatakas na ang mga suspek na armado umano ng dalawang armalite rifle at isang pistola.

Hanggang nitong umaga ng Huwebes, patuloy ang hot pursuit operation ang NBI laban sa mga nakatakas na suspek.

Ayon sa mga residente sa lugar, nangungupahan lang ang mga suspek sa bahay at hindi nila alam kung taga-saan talaga ang mga tinutugis na pekeng PDEA agents.-- FRJ, GMA News